Thursday, December 16, 2004

Kumain ako sa Red Ribbon mag-isa.

Ito ang hitsura ng mesa pagkatapos kong kumain. Nakakalungkot. Parang gusto kong sumigaw ng "I'm so alone!!!"

Sobrang pagod ang naranasan ko nitong linggo. Masayang mahirap ang Pasko. Sino ba naman kasi ang nag-imbento ng pagbibigay ng regalo tuwing Pasko? Di ba dapat tuwing kaarawan lang? Eh sino ba ang may bertdey non? Tayo bang lahat? Hay...

Naiinis ako. Gusto ko syang sigawan... gusto ko syang yugyugin at gisingin sa pagkakahimbing. Gusto kong sabihin na tulungan naman niya ko... hindi lang sa pambili... andun na rin yung pagod at pagiisip ng kung ano ang ireregalo ko sa mga taong malapit sa amin... sa mga kaklase at mga guro ng mga bata...

Nampucha, ang hirap. Gustuhin ko man na bigyan sila ng magandang regalo na nakabalot pa sa makintab na palara, hindi ko kaya. Limitado ang kakayanan ko. Tuwang-tuwa nga ako ng may nakita akong 'cute' na kwaderno na siyam na piso lang! May libre pa itong 'keychain.'

'Aha!' naisip ko. Meron na kong ireregalo sa mga kaklase ng mga anak ko.

Meron din akong nakitang mga abaniko na limampung piso sa anim na piraso. Galeng... May regalo na mga titser ng anak ko.

Haha. Ang buhay nga naman. Naghihirap na nga, gumagasta pa rin. Di talaga mapigil sa mga Pinoy ang tradisyon. Sabi nga 'we're a slave to tradition.' Parang Fiesta Syndrome. Tuwing pyesta, nakow! Mangungutang pa sa payb-siks para lang makapaghanda, makapagpangatay ng tatlong baboy at labinlimang manok!

Ang tanong: Napapansin ba nila ang tunay na diwa na kapaskuhan?

Di ko yan masasagot. Ang alam ko lang yung dating ako, hindi ko nakikita 'pag Pasko. Yung maramot, puro sarili ang iniisip, masungit na ako... sumasantabi muna.... Hm... Marahil nga, yun ang diwa ng Pasko.

Aminado akong alipin ako ng tradisyon. Mas masaya, mas maganda. Mas makintab, mas bongga. Sana lang, sa susunod na Pasko, may katuwang na ko.

p.s.
ang sarap ngumata ng 'popcorn.'

No comments:

Post a Comment