Thursday, March 31, 2005

i love u din.

tama ka. tanga talaga ako. hindi mo nga kakayanin kung naging ikaw ako. martir nga kung sa martir. pero hindi ko alam kung paano ko pa ie-explain sa yo kung bakit hindi madali ang makipaghiwalay sa asawa.

maraming mga beses na gusto ko ng sumuko.



simula pa lamang ng kwento... nabuntis ang ina noong nasa kolehiyo pa, pero tinapos pa rin ang pagaaral, kahit pano nga, may karangalan pa ring natanggap ng ito ay nagtapos. kinasal sila ng lalake. naging masaya nung una. excited pa kasi sa magiging unang anak.

nagsimula ang kalbaryo ng malaman ng ina ang sanga-sangang kalokohan at pandarayang ginagawa ng asawa. babae, inom... babae, inom... habang nanganganak ang babae, may kinakalantaring iba.

hindi na ito natigil... maraming beses na ring naulit... maraming beses na naghiwalay ang mag-asawa.... nagkakabalikan, dahil nagpupumilit ang lalake... hindi tinatantanan ang asawa. at sa bawat pagbabati, kasunod ay isang munting anghel... sa bawat pagkakataon na humiling ang babae ng sign sa Panginoon... kapag siya ay nabuntis ulit, ibig sabihin ay magbabago na ang lalake. at tuwing nagdarasal ng ganon, binibiyayaan ng isang napakagandang nilalang.

humantong na rin sa sakitan... natapos ang gabi na may pasa sa noo at may mga bukol ang ina... kung inaakala ninyo na sa pelikula lang nangyayari ang makakita ng estrelya kapag ikaw ang nasasampal, nagkakamali kayo. kung inaakala ninyo na sa pelikula lang nangyayari ang mabigwasan ang isang babae dahil hinihingi ng lalake ang PIN number ng kanyang celfone, nagkakamali kayo.

ngunit, gustuhin ko mang punuin ang espasyong ito ng mga pagkakamali ng ama, magkukulang ang isang araw... at hindi ko sinasabing wala probokasyon ang lahat ng nangyari. ang katagang "it takes two to tango" ay magandang ihalintulad sa istoryang ito.

lahat ng bagay, sa paniniwala ko ay hindi lamang kasalanan ng isang tao. sigurado, marami ring pagkukulang ang babae. marami ring hindi nagampanan bilang asawa at ina.

hindi na naging magkasama ang mag-asawa sa iisang bubong. maraming mga nangyari na hindi na kayang bigyan pa ng lunas. nakatira ang babae sa kanyang magulang, iniwan ang lalake sa dati nilang inuupahang tahanan.

sa puntong ito, naging parang mag-syota ang mag-asawa. kanya-kanyang lugar. kanya-kanyang uwi. pero iisang buhay. nagaaway madalas dahil sa kakulangan ng isa't-isa.



nung makalawa lang nag-away na naman ang mag-asawa. marami na namang mga bagay na nasambit. nagkasumbatan na naman. hindi na dapat ilagay pa rito ang dahilan... hindi na kailangang ilagay pa rito ang lahat dahil panigurado, sasabihin mo na naman, napakatanga ng babae... sasabihin mo na naman ang mga bagay na alam na niya.

sinusulat na ng ina ang mga puntos na sinasabi ng asawa niya.. "si bochog, sigurado ako, sayo yan... sigurado kahit papiliin ko yan, ayaw niya sa kin. buhayin mong mag-isa. tutal mayabang ka."

tapos, biglang magiiba ang ihip ng hangin... bigla niyang itatanong, pano kung gustong pumunta sa kanya ni bochog. nagalit siya ng sinabi ng ina na hindi siya papayag. bigla niya na tuloy iniba ang sinabi. biglang sabi niya, hindi pala niya kayang tiisin si bochog, kaya hati na lang daw sila sa bata, na para bang tinapay lang ang pinaguusapan at hindi buhay ng isang inosenteng kasalukuyang natutulog.

tinanong na ng ina ang ama..."marami kang reklamo sa akin, kesyo masama ang ugali ko, kesyo minumura kita, kesyo puro ako yabang wala naman akong narating, kesyo magaling lang ako dahil sa tulong ng mga magulang ko... eh kung ganun, bakit ayaw mo pa akong pakawalan? bakit ayaw mo pa akong hiwalayan ng tuluyan? I'm giving you the easy way out. Why don't you take it?"

"kasi nga mahal kita!" sumigaw na ang ama.

sa puntong yun, nagising sa pagkakahimlay ang bata... narinig ang mga sigawan... ang mga batuhan ng masasakit na paratang... hindi na nagawang sabihin sa ama na hindi siya naniniwala sa kalokohang mahal pa siya nito. imposible. hindi ganun ang nagmamahal. nagalit ang ina... ang sabi ng ina kay bochog, tigilan niya ang pag-iyak pagkat hindi katapusan ng mundo ang mawalan ng ama.

pero umiyak pa rin ito, lumakas pa nga. napilitan ang ina na sabihin sa ama niya na tutal damdamin lang naman ng mga bata ang inaalala niya, wala naman siyang pakialam sa nararamdaman ng asawa niya, kung gusto niya, kung akala niyang kaya niya, kunin na niyang lahat ang mga anak. tutal alam ng ina... aminado siya na hindi niya kakayaning bigyan sila ng magandang buhay...

habang sinasabi niya ito, hindi na niya napigilan ang lumuha... masakit sabihin ang mga katagang iyon... para siyang hinubaran ng ulirat... parang unti-unting pinatay ang kanyang kaluluwa...

sabay, umiyak ng walang gatol ang bata... hinagod niya ang likod at pinalitan ng damit dahil basang basa na ito ng pawis, sipon, at luha.

nagbuntong-hininga ang ama, at tinanong si bochog kung ano ang gusto niya para sa kinabukasang pagpaparangal sa kanila sa eskwela, gayong natapos niya ang ikatlong baitang na pangalawa sa klase.

"gusto mo bang kumain sa labas, o maghanda tayo?"

hindi man lamang nag-isip ang bata ng sumagot: "ang gusto ko, itigil niyo na yan.... ang gusto ko, wag na kayong mag-away... ang gusto ko, wag kayong maghiwalay!"

humagulgol ang ina. hindi na kinaya. niyakap ng buong higpit ang bata. ang ama naman, sinabing hindi sila nagaaway, na hindi sila maghihiwalay. umalis na lamang ang ama, pumunta sa dating tirahan kasama ang isa pang anak. bago yun eh humalik kay bochog at sa asawa.

pag-alis ng ama, sinabi ni bochog sa ina ito: "ang gusto ko lang naman Mommy, na maging masaya tayo, kumpleto tayo gaya ng iba."

hindi na pinwersa sa bata ang issue ng paghihiwalay. sinabi na lang sa kanya ang totoo.

"ayoko na talaga, noon pa. sana maintindihan mo kung bakit. alam ko, alam mo lahat yun. sana rin malaman mo na lahat ng ginagawa ko, lahat ng sakripisyo na tiniis ko, eh para lang sa yo lahat. hindi kay Letku, hindi kay Kuya... ikaw lang ang dahilan ko. para sayo lang lahat. ilang beses ng nangyari to, pero hindi natutuloy, dahil ayaw mo. at dahil mahal ko kayong magkakapatid. kung saan kayo masaya, dun ako... kahit ang ibig pang sabihin non ay habangbuhay na sakit, pagkalungkot at pagkayamot."

tumahimik ang bata.

"i love you, Mommy."

ito ang huling sinambit ng anak sa kanyang ina, bago ito tuluyang nakatulog sa pagod.

No comments:

Post a Comment