Saturday, April 02, 2005

magyakapan tayo.

merong mga nagtatanong kung bakit nawala ang mga comments at ang tagboard. paumanhin. tinanggal ko na po for personal reasons.

ang totoo po niyan, ang una ko pong intensyon sa paggawa ng online diary, ay para lamang po maisulat ang mga nararamdaman ko sa tuwing gusto ko para may babalikan ako sa kinabukasan at sa mga susunod na araw. alaala ng makulay kong mundo.

hindi ko po inakala na may magbabasa ng mga kuwento ng buhay ko. na meron pala akong matataman kung minsan. pasensya na po. tanga talaga ako.

alam nating lahat na hindi tayo pwedeng manahimik lamang kapag mayroon tayong mga nababasang mga hindi kanais-nais o kahit ano'ng naisusulat na gugustuhin mong magbahagi rin ng pahayag. lalo na't matatalino ang tao. nilikha ng Diyos halintulad sa kanya.

pero ang sabi ko nga, wala akong ibang intensyon kundi ang balikan ang mga alaala. para sa akin. kahit ano pa man ang naisip mong sabihin o i-kumento, kung hindi ko naman isasa-isip at puso, balewala. inuulit ko--tanga po ako.

ayoko ng malaman pa kung ano ang saloobin mo tungkol sa nararamdaman ko. hindi sa minamasama ko... pero sa mga susunod na araw, meron akong mga maisusulat na alam kong merong matatamaan, merong maiinis, merong matatawa, merong makakaramdam ng kakaibang kirot, merong magiisip at sasang-ayon na tanga ako.

at baka sakaling, masaktan ako sa reaksyon mo ng hindi mo sinasadya.

ang tanging gusto ko, maramdaman ko. kaya pinalitan ko na lamang. sa pamamagitan ng yakap, alam ko... mararamdaman ko... maiintindihan ko...

kung natutuwa ka sa kwento ko--yakapin mo ako...
kung nalulungkot ka para sa akin--yakapin mo ako...
kung naramdaman mo rin ang mga naramdaman ko--yakapin mo ako...
kung gusto mo lamang maging maliwanag ang gabi ko--yakapin mo ako...
kung wala lang, gusto mo lang--yakapin mo ako...

isa lang ang garantiya... sa bawat yakap mo, hindi ito nararamdaman ng katawan ko lamang, kundi ng puso ko... at sa bawat yakap mo, niyayakap din kita.

No comments:

Post a Comment