Wednesday, November 01, 2006

para sa mga nagtatanong

sa tuwing may makakakita o may makakausap ako... lagi akong tinatanong:

"kamusta ka na?"

"ok ka na?"

"dinadayalisis ka na ba?"

hindi naman sa minamasama ko.... alam ko, 'concerned' lang kayo sa kin... pagpasensyahan niyo na minsan kung may pagkasuplada ang dating, o napakaiksi ng sagot. ewan ko. siguro nagsasawa na ako sa kakasagot ng "ok lang." siguro nagsasawa na ako ng kakaisip na may sakit ako. na konting panahon na lang, baka idayalisis na ko. na pag nagsimula akong idayalisis, wala ng katapusan yun. hanggang gusto ko pang mabuhay, tutusukin ako at lilinisin ang dugo ko halos kada apat na araw. pwede rin akong masalinan ng dugo kapag kailangan.

ayoko ng isipin. ayoko ng maramdaman.

ayoko na.


gusto kong mabuhay ng 'normal' gaya ng dati. na ang tangi kong problema ay saan ako kukuha ng pera. kung magiging maayos pa ba ang buhay ko. kung magiging ok na ba si Dale.

mas mahirap pala pag hawak mo na ang buhay mo sa iyong mga kamay. lalo na kapag nakaasa ka lang sa iba.

pano na lang ako kung wala si Mama? si Papa? si Ronald? ang mga kamag-anak ko at mga kaibigan? sila na nagbibigay sa kin ng pera, pagkain, gamot, dasal, at higit sa lahat ay ang kanilang walang sawang pagaaruga at pagaalala.

pano na lang kung wala ang mga anak ko na nagbibigay sa kin ng pag-asang mabuhay pa ng matagal? na nagbibigay sa kin ng lakas para ipagpatuloy pa ang labang ito.

hawak ko ang buhay ko. pwede kong wakasan ito sa pagtutol ng dialysis. pero di ko gagawin. lalaban ako hangga't kailangan.

sabi nga ng pinsan ko, sa dinami-dami ng dinanas ko sa buhay, ngayon pa ba ako susuko?

kaya kung minsan ay makita niyo ko sa daan, ok lang na tanungin niyo ko kung ok na ko... kung kamusta na ko... pero kung ang sagot ko ay "ok lang" o ako'y ngumiti lang... sana ay maintindihan ninyo... hindi ako kasing tatag ng gaya ng inaakala ng marami. umiiyak din ako sa gabi pag tulog na ang lahat. pag wala ng makakarinig.

tinatanong ko rin ang Diyos kung bakit ako, bakit ngayon, at kung hanggang kelan. humihingi din ako ng kaliwanagan at katatagan. nagaantanda din ako sa tuwing nakakapag-isip ng masama.

ok lang ako.

pero kailangan ko pa rin ang mga tanong ninyo.

1 comment:

  1. *hugs her*

    paint a smile on your face... it's gonna be alright soon.

    thanks sa suggestion on steroids, hehe. i can still deal with depression. :)

    happy halloween mommy curls! :)

    ReplyDelete