Wednesday, July 27, 2016

Lost in the woods

Nakakasawang gumising sa umaga tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Sana kung pwedeng lagtawan ang mga araw na ito, ginawa ko na. Sana kung pwedeng matulog na lang at paggising mo Tuesday, Thursday, Saturday o Sunday na agad.

Dialysis ang bumubuhay at pumapatay sa akin ngayon. Pisikal na bumubuhay sa akin. Emosyonal na pumapatay sa akin. Nakakawala ng espiritu. Parang Coke na naiwan sa mesa na walang takip. Parang malamig na sabaw. Parang matigas na tinapay.

Sampung taon na akong nagdadialysis. Kapag ganitong matagal na, kinakabahan ka na. Paano kung bukas o sa makalawa, bumigay na ang puso mo? Pagod na pagod na siya. Overworked. Underpaid. Parang mga titser, nars, at saleslady.

Hay.

Sabay naririnig ko ngayon, nagpapatugtog ang isa kong anak ng “are we out of the woods? are we in the clear?”

No, anak, we are not.

Thursday, July 21, 2016

Kahit wala na ako

Ngayon na lang ulit ako sumulat. Hindi dahil walang nangyayari sa buhay ko, kundi wala na akong “soul.” Naubos na ang “will” ko para maisapapel ko ang mga naiisip ko.

Bahay-dialysis-bahay. Yan na lang ang buhay ko simula nung nagkasakit ako. At hindi lang katawang lupa ko ang may sakit. Buong pagkatao.

Nakahiga ako ngayon. Hindi dahil tinatamad, kundi walang lakas para tumayo. Masakit ang lahat. Uminom na nga ako ng Biogesic, para maibsan naman kahit paano. Epektib naman. Kaso, lahat naman halos ng bagay, “never enough.” May masakit pa din.

Naisip kong sumulat ngayon kasi punong-puno na ko. Naguumapaw na yung pag-ayaw ko sa buhay. Sukong suko na ko. Nalulungkot ako. “I’m down and out,” ika nga. Kinailangan kong ilabas to. Dahil kung hindi, aba baka magbigti na lang ako dito sa kwarto.

Hindi ako “strong,” kaya please lang wag nyong sabihin yan sa kin. Wag nyo kong purihin. Di nyo nalalasahan ang mga luha ko. Di nyo naririnig ang aking mga hikbi. Tao lang ako. Marupok, mababaw, natutunaw. Teka, wala nga palang tao na natutunaw. Naaagnas siguro?

Ganun nga pakiramdam ko ngayon eh. Parang naaagnas na bangkay, parang kandilang nauupos, parang tubig na nageevaporate.

Mahirap mabuhay para lang mabuhay. Iilan na lang ang rason ko “to go on.” Minsan, nagpapaalam na ako sa mga anak ko. Grabe, sobrang ang “insensitive” ko. Parang tungak lang.

Kaso wala eh. Dumadating talaga ata sa buhay ng isang taong may malubhang sakit ang mga ganitong “moments.”

Yaan nyo na. Matatapos din naman ang lahat. Magliliwanag pa din ang buwan. Kukutitap pa din ang mga bituin. Iikot pa din ang mundo.

Kahit wala na ako.

Proud


Binigyan ako ng panganay ko ng isang daan. Sabi nya parte ko daw sa unang sweldo nya.

Huh?!

Tumanggap pala ng online job sa Upwork ang loka. Sumweldo ng $10. Haha.

Nakaka-proud naman. Kahit isang daan lang yan, itatago ko anak.

Pinagpaguran mo rin yan, noh!

Ayayu, anak.

Saturday, July 16, 2016

Isip

Nagsimula ka sa aking isip
Binuhay ka ng aking mga kamay
Ika'y nagmulat sa isang ihip
Pag-ibig nati'y walang kapantay

Alak na dumampi sa aking bibig
Suliranin ay nawaglit sa aking isip
Luha na dulot ng pag-ibig
Saglit na naglaho nang ako'y maidlip

Ako'y nagising sa katotohanan
Namulat ako sa isang panaginip
Sumigaw... Humiyaw sa aking unan
Tayo ay nagtapos din sa aking isip